Isinagawa ng Cabatuan PNP sa pangunguna ni PMaj Arturo Cachero ang paggawad ng Libreng Pabahay sa Barangay Canan, Cabatuan, Isabela noong ika-22 ng Nobyembre 2022.
Ang libreng pabahay na ito ay naipundar sa pamamagitan ng pinagsama-samang bahaging donasyon mula sa mga miyembro ng kapulisan ng Cabatuan, LGU, mga Brgy. Officials at stakeholders ng naturang munisipalidad.
Maliban sa ilang taong binayaran upang gumawa sa naturang bahay, ay masusi ding binantayan at tumulong ang PNP personnel ng Cabatuan hanggang ito ay matapos upang matiyak na maayos at matibay ito.
Ang benepisyaryo ng iginawad na bahay ay si Analyn Culang na residente ng Brgy. Canan, Cabatuan, Isabela. Siya ay isang balo, kaya naman siya na lang ang tanging nagtataguyod ng kanilang pamumuhay at pag-aaral ng kanyang dalawang anak.
Lubos ang saya at mangiyak-ngiyak siyang nagpasalamat dahil ang dating barung-barong na masasabi na tinakpan lang ng mga lumang yero na butas pa ang iba at masikip, ngayon ay masasabi nang isang maayos at matibay na tahanan.
Dinaluhan ni PLtCol Michael Aydoc, Chief, PCADU ng Isabela PPO ang aktibidad at pinuri ang PNP Cabatuan sa naisakatuparang tulong sa kapus-palad na mamamayan.
Nakilahok din ang Kabsat Eagle’s Club na pinangunahan ni Mr. Jun Laya kung saan sila ay naghandog naman ng isang sakong bigas at grocery items para sa benepisyaryo ng naturang bahay.
Ang libreng pabahay na ito ay isa lamang sa mga adhikain ng PNP para makatulong sa mga kapus-palad na mamamayan alinsunod sa isinusulong na Revitalized PNP KASIMBAYANAN.
Ang naisakatuparang gawain na ito ay patuloy na isasagawa sa abot ng makakaya ng PNP Cabatuan, Isabela.
Layunin ng aktibidad na ito na tulungang maiangat ang kabuhayan ng mga nangangailangan na mamamayan. Sa paraang hindi man sobra o malaking bagay, ngunit tiyak na ito ay sapat upang makapag-umpisa ng maayos na pamumuhay.
Source: Cabatuan Police Station
Panulat ni PSSg Jerlyn V Animos