Talibon, Bohol – Masayang ipinagkaloob ng mga tauhan ng Talibon Municipal Police Station ang proyektong “Balay sa Kabus” sa residente ng Purok 5, Barangay Sto. Niño, Talibon, Bohol nito lamang ika-19 ng Nobyembre 2022.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Talibon Municipal Police Station sa pangangasiwa ni Police Major Erenieto P Feniza katuwang ang Faith-Based Group sa pangunguna nina Fr. Dominador Amuncio, Priest In-Charge; Hon. Crisologo T Valmoria, Coordinator Balay sa Kabos Foundation; Reuben Ranay, Vice President Social Action; at Santo Niño Youth Organization Volunteers sa pangunguna ni Clint Welmir Bongator.
Ang nasabing proyekto ay pamana ni Most Rev. Alberto S Uy sa kanyang termino bilang obispo ng Diocese of Talibon noong 2014 na naglalayong tulungan ang mga pamilyang marginalized gayundin ang paggising sa Espiritu ng Bayanihan na likas sa ating mga Pilipino.
Naitayo ang naturang bahay sa pagkakaisa ng Talibon PNP at mga miyembro ng Faith-Based Group at opisyal na tinanggap ng recipient ng proyektong “Balay sa Kabus” na si Mr. Lito Lumunsod kasama ang kanyang asawang si Hidelisa at anak na si Angel John.
Ayon kay Mr. Lumunsod, tuluyan nang nawasak ang kanilang dating bahay nang tumama ang bagyong Odette at nagpaabot din ito ng taos-pusong pasasalamat at kanyang pamilya sa mga pagsisikap, tulong na ginawa at ipinagkaloob ng kapulisan ng Talibon Municipal Police Station at Faith-Based Group.
Sa pamamagitan ng KASIMBAYANAN Program ng PNP at Balay sa Kabus Project ng Simbahan, at pagtutulungan ng mga naturang grupo ay nakapaghatid ang mga ito ng tulong at ginhawa sa bawat mamamayan lalong lalo na sa mga residente ng Talibon, Bohol na walang kakayahan na magpatayo ng sariling bahay.