Sultan Kudarat – Personal na sinaksihan ni DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr. ang pormal na pagprisinta ng Sultan Kudarat PNP sa kusang pagsuko at pagbabalik-loob sa Gobyerno ng 47 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) mula sa Karialan at Abu Turaifie Faction na ginanap sa Sultan Kudarat Gymnasium, Cultural Center Isulan, Sultan Kudarat, nito lamang ika-17 ng Nobyembre 2022.
Dumalo rin sa aktibidad sina PBGen Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12; PBGen Andrew Cayad, Director, Intelligence Group; PCol Christopher Bermudez, Provincial Director ng Sultan Kudarat Police Provincial Office; Major General Roy Galido, Commander ng 6th Infantry Division, Philippine Army; Director Josephine Leysa, CESO V, Regional Director, DILG 12; Hon. Datu Pax Ali Sangki Mangudadatu, Gobernador ng Sultan Kudarat; Hon. Bia Mariam Mangudadatu, Gobernador ng Maguindanao; at iba pang mga kawani ng Pamahalaan ng Sultan Kudarat at Maguindanao Province.
Kasabay din nito ang pagturn-over ng mga isinukong matataas na kalibre ng baril sa awtoridad.
Agad namang nakatanggap ng tulong pinansyal ang mga sumuko mula kina PBGen Macaraeg at Gov. Mangudadatu. Inaasahan ding madadagdagan pa ang mga matatanggap na tulong ng mga ito mula sa ating gobyerno tungo sa pagkamit ng tunay na kapayapaan.
Samantala, pinuri naman ni DILG Sec. Abalos Jr. ang pamahalaan ng Sultan Kudarat dahil sa nakamit nitong awardee of Good Seal mula sa Local Governance ng DILG dahil sa pagkakaroon ng malaking bilang ng BIFF na sumuko noong taong 2018.
Dagdag pa ni SILG Abalos Jr. na ang probinsya ng Sultan Kudarat ay isa sa mga pinakamapayapang probinsya sa bansa dahil mahusay na pamamahala nito.
Ang pagsuko ng mga dating miyembro ng BIFF ay pagpapatunay lamang na sila ay nais nang makiisa sa mga programang pangkapayapaan ng gobyerno.
Source: Sultan Kudarat Police Provincial Office
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin