Karuhatan, Valenzuela City — Arestado ang isang holdaper matapos nitong iwan ang kanyang bag na naglalaman ng kanyang mga ID sa pinangyarihan ng krimen sa lungsod ng Valenzuela nito lamang Sabado, Nobyembre 12, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Salvador Destura Jr, Hepe ng Valenzuela City Police Station, ang suspek na si Gene, 37, at isang call center agent.
Ayon kay PCol Destura Jr, bandang alas-7:00 ng gabi naaresto si Lucero sa kanyang bahay sa Cristobal St., Barangay Karuhatan sa pamamagitan ng address na nakita sa kanyang mga ID sa isinagawang follow-up operation ng Detective Management Unit (DMU) at Sub-Station 9 Barangay Karuhatan ng Valenzuela CPS.
Ayon pa sa sumbong ng biktima na si Warren Jean Figueroa, 25, tauhan ng tindahan, residente ng Dulong Tangke, Barangay Malinta, Valenzuela City, ang suspek ay armado nang ito’y pumasok sa loob ng tindahan at nagdeklara ng “hold-up” kung saan nakuha ng suspek ang cash box na naglalaman ng Php4,000 hanggang Php5,000 kaya agarang rumesponde ang mga operatiba sa Goldilocks Bakeshop, Brgy. Karuhatan, Valenzuela City.
Narekober mula sa suspek ang kutsilyo, cash box at Php999 na pera.
Nahaharap ang suspek sa kasong robbery with threat and intimidation.
Ang Pambansang Pulisya ay patuloy na paiigtingin ang pagpapatrolya sa mga lansangan upang mabilis na marespondehan ang mga inosenteng indibidwal na nangangailangan ng tulong.
Source: Valenzuela City Police Station
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos