Infanta, Quezon – Tinatayang Php306,000 na halaga ng shabu ang nasabat sa isang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Infanta PNP nitong lamang Miyerkules, Nobyembre 9, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Ledon Monte, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Like”, 38, walang trabaho, residente ng Purok Water Lily, Poblacion Uno, Real, Quezon.
Ayon kay PCol Monte, bandang 11:27 ng gabi naaresto ang suspek sa Purok Pag-asa, Brgy. Tongohin, Infanta, Quezon ng mga operatiba ng Infanta Municipal Police Station.
Narekober sa suspek ang walong pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na hinihinalang shabu na tumitimbang ng 15 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng Php306,000, isang gray/black Yamaha Sniper na motor na walang plaka, isang asul na cellphone pouch, at isang pirasong Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang tagumpay ng Infanta PNP laban sa ilegal na droga ay bunga ng pinaigting na suporta at pakikipag-ugnayan ng mamamayan upang manatiling ligtas at maayos ang komunidad.
Source: Infanta Municipal Police Station
Panulat ni Police Executive Master Sergeant Joe Peter Cabugon