Boluntarypong sumuko sa mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 7 ang isang kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Cebu nito lamang Lunes, ika-7 ng Nobyembre 2022.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ronan Claraval, Force Commander ng RMFB 7, ang sumuko ay kabilang sa pangkat na CNT sa ilalim ng Squad 3 Regional Striking Force ng Leonardo Panaligan Command.
Kasabay ng pagbabalik-loob sa pamahalaan, ay isinuko naman nito ang isang unit ng caliber .45 pistol at tatlong piraso ng live ammunitions.
Ang naganap na pagsuko ng miyembro ng nasabing grupo ay bahagi ng mga hakbangin ng RMFB 7 upang tuldukan ang problema sa insurhensiya sa rehiyon.
Naging katuwang ng RMFB 7 sa maayos at matagumpay na aktibidad ang mga miyembro ng Cebu Police Provincial Office (CPPO), Regional Intelligence Unit (RIU) 7, at ng Regional Intelligence Division (RID) 7.
“Nakakatuwang makita na marami sa ating mga kapatid na pinipili ang tamang landas tungo sa kapayapaan at umaasa ako na mas marami pa ang magbabalik-loob at makikipagkasundo para sa kapayapaan at kaunlaran”, ani Police Lieutenant Colonel Claraval.
Siniguro naman ng buong lakas ng RMFB 7 na hindi sila titigil sa pagpapatupad ng kanilang mga hakbangin upang tapusin ang problema sa terorismo at maging sa lahat ng uri ng kriminalidad para sa mas ligtas, maayos, mapayapa at maunlad na komunidad.
Minabuti namang hindi isiwalat ang pagkakakilanlan ng sumuko para sa kanyang kaligtasan at kaayusan.