Samar – Nabuwag ang isang drug den kasabay ng pagkakadakip ng tatlong indibidwal sa isinagawang buy-bust operation ng PDEA at PNP sa Brgy. Rawis, Calbayog City nito lamang ika-8 ng Nobyembre 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Ericson N Del Rosario, Chief of Police ng Calbayog City Police Station, ang mga naaresto na sina Joseph alyas “Jojo”, (maintainer), 53 anyos; Jonas, (co-maintainer), 31 anyos; at Lovelyn, (visitor), 30 anyos na pawang residente ng Brgy. Rawis, Calbayog City.
Ayon kay PLtCol Rosario, isinagawa ang nasabing operasyon bandang 3:30 ng madaling araw ng pinagsamang tauhan ng PDEA RO8 at Calbayog CPS.
Narekober mula sa mga suspek ang iba’t ibang drug paraphernalia kasama ang tatlong pakete ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 11 gramo at may tinatayang halaga na Php66,000.
Ang tatlong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni Police Colonel Peter Uy Limbauan, Provincial Director ng Samar Police Provincial Office, ang mga arresting unit sa kanilang pagpupursige na pigilan ang paglaganap ng ilegal na droga.
“Ang pagsira sa drug den at pag-aresto sa mga suspek ay isang tunay na pagpapakita na sa pamamagitan ng ating pagsisikap at pakikipagtulungan sa iba pang mga Law Enforcement Agencies, sama-sama nating makakamit ang isang drug free community sa probinsyang ito”, ani PCol Limbauan.