Tacloban City – Arestado ang dalawang indibidwal na tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operation ng Tacloban City Police Station 3 sa Barangay 97 Cabalawan, Tacloban City nitong Lunes, Nobyembre 7, 2022.
Kinilala ni Police Captain Juan Eliezer Abellon, Officer-In-Charge ng Tacloban City PS3, ang mga naaresto na sina alyas “Palong”, 23, walang trabaho at alyas “Gelyn”, 40, kapwa residente ng Barangay 97.
Ayon kay PCpt Abellon, naaresto ang dalawa ng mga operatiba ng TCPO-PS3 Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni Police Lieutenant Nicodemus Cabais at sa pakikipagtulungan ng PDEA RO8.
Narekober mula sa mga suspek ang pitong pirasong pinatuyong Marijuana Leaves at 12 pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaghihinalaang shabu na may tinatayang halaga na Php110,000.
Mahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Section 5, 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay isang patunay na ang ating PNP ay hindi titigil sa pagsugpo sa paglaganap ng ilegal na droga at mas papaigtingin pa ang kampanya nito laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.