Lapu-Lapu City, Cebu – Timbog ang 43 taong gulang na ginang sa Lapu-Lapu City matapos makuhanan ng nasa mahigit 2 kilo ng shabu sa buy-bust operation na ikinasa ng mga awtoridad nito lamang Lunes, Oktubre 31, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Elmer Salado Lim, City Director ng Lapu-Lapu City Police Office (LCPO), ang naaresto na si Arceli Auron Cortez alyas “Cel”, 43, tubong Butuan City at pansamantalang naninirahan sa Barangay Mactan, Lapu-lapu City.
Ayon kay Police Colonel Lim si Cortez ay nakapaloob sa talaan ng High Value Individual – Regional Level.
Ayon pa kay Police Colonel Lim, naaresto ang suspek pasado alas-2 ng hapon noong Lunes sa operasyon na inilunsad ng mga operatiba ng City Intelligence at Drug Enforcement Unit ng LCPO sa Sitio Kasanta, Barangay Mactan, Lapu-lapu City katuwang ang mga miyembro ng Regional Police Drug Enforcement Unit/Regional Intelligence Division 7, Philippine Drug Enforcement Agency 7, at NISG7-NAVFORCEN.
Kabilang sa mga nakumpiska sa suspek ang mahigit 2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng nasa Php14,280,000, isang back-pack, at buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay isang patunay sa maayos at epektibong hakbangin ng grupo upang sipulin ang problema ng ilegal na droga sa lungsod. Siniguro pa ng buong lakas ng LCPO na kanila pang paiigtingin at pag-iibayuhin ang kampanya sa ilegal na droga maging sa lahat ng uri ng kriminalidad upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng komunidad.