Masayang nagtapos ang 46 na uniformed personnel sa Strategic Civil-Military Operations Non-Commissioned Officers Course (SCMONCOC) na ginanap sa Bulwagang Reyes, Civil Relations Service Armed Forces of the Philippines (CRSAFP), Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City nitong Miyerkules, Oktubre 26, 2022.
Ang SCMONCOC Class 24-22 “TAGAPAG-UGNAY” ay kinabibilangan ng 20 mag-aaral mula sa hanay ng Philippine National Police (PNP); 19 mula sa AFP na binubuo ng 12 Philippine Army, apat na Philippine Airforce, dalawang Philippine Navy, at isang Philippine Marines; gayundin ang nag-iisang mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Matapos ang apat na buwang pag-aaral, pagtatagisan ng talento at galing sa tatlong pillars ng Civil Military Operations (CMO) sa tulong na rin at gabay ng lahat ng masigasig na staff ng nasabing paaralan, nakuha ni PCpl Mahru Laine L Parumog ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) ang pagiging Top 1 sa klase na may general average na 92.559%.
Naging Top 2 naman si PFC Jeremiah Oneil S Veloso (Inf) ng PA na may average na 92.474% habang Top 3 naman si PCpl Mary Metche A Moraera ng PCADG na may general average naman na 92.391% sa academic/non-academic curriculum ng nasabing kurso.
Ito ay idinisenyo upang hubugin at maging handa ang mga kasalukuyan at inaasahang CMO assistant planner at operator na magkaroon at madagdagan ng kinakailangang kaalaman, kasanayan, at pag-uugali upang epektibong makatulong sa pagpaplano, pagbuo, at pagpapatupad ng iba’t ibang strategic CMO activities para sa kapakanan ng bawat mamamayan tungo sa kaunlaran at walang hanggang kapayapaan sa bansa.
Panulat ni PCpl Mary Metche A Moraera