Balintawak, Caloocan City — Arestado ang isang lalaking suspek sa kasong Estafa at Falsification of Documents sa isinagawang entrapment operation ng Northern Police District (NPD) nito lamang Lunes, Oktubre 17, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Ponce Rogelio Peñones Jr, Acting District Director ng NPD, ang suspek na si Ruben Gabagat y Bonifacio, 67, residente ng Bulihan, Silang, Cavite.
Ayon kay PCol Peñones Jr, bandang 10:50 ng umaga naaresto si Gabagat sa Bagong Barrio, EDSA Balintawak, Caloocan City ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) ng NPD.
Ayon pa kay PCol Peñones Jr, isang walk-in complainant ang pumunta sa tanggapan ng DSOU at nagsampa ng reklamo tungkol sa suspek na nagpakilalang secretary ng RTC Cavite at nakipagtransaksyon at nagbigay ng mga dokumento na nagkakahalaga ng Php200,000 bilang kapalit sa gagawin nitong serbisyo ngunit nadiskubre ng complainant na peke umano ang mga dokumento at docket number mula sa RTC, Caloocan kaya agaran namang umaksyon ang mga awtoridad.
Dito na narekober mula kay Gabagat ang isang PSA na naglalaman ng Marriage Contract; isang pekeng Desisyon ng RTC, Caloocan City; isang pekeng Entry of Judgment ng RTC, Caloocan City; isang pekeng Desisyon ng RTC, Pasay City; isang pekeng APOSTILLE na inisyu ng Department of Foreign Affairs, ibat ibang photocopied ID, at limang Php1,000.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 315 at Article 172 ng Revised Penal Code (Estafa o Swindling and Falsification by Private Individual and Use of Falsified Documents).
Tiniyak naman ni PCol Peñones Jr, na hindi palalagpasin ang ganitong mga pangyayari at papanagutin sa batas ang lahat ng nanloloko ng kapwa kung kaya lalo pang paiigtingin ng NPD ang pagpapatrolya para sa isang ligtas, tahimik at maunlad na komunidad.
Source: Nothern Police District
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos