Caloocan City — Tinatayang umabot sa Php12 milyong halaga ng marijuana ang nakumpiska sa dalawang lalaking High Value Individuals (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng Northern Police District nito lamang Huwebes, Oktubre 19, 2022.
Kinilala ni PBGen Jonnel C Estomo, Acting Regional Director ng NCRPO, ang mga suspek na sina John Kenneth Hernay y Villahermosa, 30; at Grant Gallano y Dela Cruz alyas Ata, 24.
Ayon kay PBGen Estomo, dakong 9:45 ng umaga naaresto sina Hernay at Gallano sa isang Fast Food Parking Lot, Brgy. 8, Caloocan City ng operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng NPD.
Narekober sa dalawang suspek ang 100 piraso ng ladrilyo na binalot sa iba’t ibang uri ng plastic at packaging tape na naglalaman ng mga tuyong dahon at mga fruiting tops ng Marijuana na tumitimbang ng 100 kilos at may Standard Drug Price na Php12,000,000.
Mahaharap ang mga suspek sa mga reklamong paglabag sa Sections 5 at 11, Art II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa mensahe ni PBGen Estomo, “Pinupuri ko ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District para sa kanilang pinaigting na anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkakakumpiska ng malaking halaga ng ilegal na droga at pagkakaaresto ng dalawang HVI.”
Dagdag pa niya, “Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa aming pangako at dedikasyon na sugpuin ang paglaganap ng ilegal na droga sa ating rehiyon. Ang inyong kapulisan ay mananatili sa aming panata na gawing ligtas ang ating mga lansangan, kung saan ang mga pulis ay lubos na pinahahalagahan ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.”
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos