Brgy. Bignay, Caloocan City — Huli ang isang indibidwal dahil sa pagdadala ng hindi lisensyadong baril habang nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Valenzuela City Police Station nito lamang Lunes, Oktubre 17, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Salvador Destura Jr, Chief of Police ng Valenzuela CPS, ang suspek na si Mardonio Dequito, 49 taong gulang.
Ayon kay PCol Destura Jr, naaresto si Dequito habang siya ay nakasakay sa motorsiklo nito at walang helmet sa kahabaan ng Casarival St., Northville 1, Barangay Bignay, Valenzuela City ng mga operatiba ng Sub-Station 7 ng naturang Lungsod.
Ayon pa kay PCol Destura Jr, nakita kay Dequito ang baril na nakausli sa kanyang sling bag kung saan kalahati nito ay nakabukas at nang i-verify ang legalidad ng kanyang baril, nabigo ang suspek na magpakita ng anumang kaukulang dokumento.
Narekober kay Dequito ang isang Caliber .45 pistol Armscor na may tampered serial number, 25 piraso ng live ammunition, at dalawang magazine ng pistol.
Nahaharap si Dequito sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Law.
Tiniyak naman ng Valenzuela CPS na lalo pa nilang paiigtingin ang pagpapatrolya sa kanilang nasasakupan para mapigilan ang anumang pagtatangka ng sinuman na gumawa ng masamang gawain.
Source: Valenzuela City Police Station/Beng Samson
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos