Pontevadra, Capiz – Umabot sa higit Php4 milyong halaga ng shabu ang nasabat habang nagsasagawa ng random checkpoint ang mga tauhan ng Pontevedra Municipal Police Station kasama ang 1st Capiz Provincial Mobile Force Company sa Brgy. Bailan, Pontevedra, Capiz bandang 7:00 ng gabi nito lamang ika-10 ng Oktubre 2022.
Kinilala ni Police Major Syril Punzalan, Hepe ng Pontevedra MPS ang nahulihan na si Roberto Aperucho Dela Cruz, 59, may asawa at residente ng Brgy. San Jose, Roxas City, Capiz.
Ayon kay PMaj Punzalan, nagsasagawa ng checkpoint ang kanyang mga tauhan sa nabanggit na lugar nang parahin ang suspek na nakasakay sa kanyang motorsiklo ngunit hindi ito huminto na naging dahilan upang ito’y habulin at hulihin ng ating kapulisan.
Ayon pa kay PMaj Punzalan, sa pagkakahuli sa suspek ay narekober sa kanya ang dalawang kalibre ng baril at 24 na sachets ng hinihinalang shabu na nakalagay sa kanyang sling bag na nakapaloob sa kanyang backpack na umabot sa 595 gramo at nagkakahalaga ng Php4,046,000.
Pinuri naman ni Police Colonel Winston M De Belen, Provincial Director ng Capiz Police Provincial Office ang mga tauhan ng Pontevedra MPS at 1st Capiz PMFC sa matagumpay na pagkakaaresto sa naturang suspek at sinigurado sa publiko na ang Capiz PNP ay magpapatuloy sa kampanya nito laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa kanilang nasasakupan. “Tulong–tulong, sama-sama at magkaisa po tayo upang masugpo ang kriminalidad para sa kaligtasan ng lahat”, dagdag ni PCol De Belen.