Guadalupe, Cebu City – Nakumpiska ang tinatayang nasa Php340,000 halaga ng hinihinalang shabu sa dalawang drug suspek na naaresto sa buy-bust operation na ikinasa ng mga operatiba ng Cebu City PNP nito lamang ika-8 ng Oktubre 2022 sa Brgy. Guadalupe, Cebu City.
Kinilala ni Police Colonel Ireneo B Dalogdog, City Director ng Cebu City Police Office (CCPO), ang mga naaresto na sina Rizaldy Pepito at James Alolor, kapwa residente ng nasabing barangay at naitala bilang High Value Individual ng naturang lungsod.
Ayon kay Police Colonel Dalogdog, naaresto ang mga suspek pasado alas 4:00 ng hapon noong Sabado ng mga miyembro ng Police Station 9, CCPO sa pangunguna ni Police Major Armando L Labora, Hepe ng naturang istasyon.
Dagdag pa ni Police Colonel Dalogdog, nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php340,000, isang coin purse, at buy-bust money.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay agad na isinumite ng mga otoridad sa Cebu City Crime Laboratory Office para sa pagsusuri.
Samantala, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Siniguro naman ng buong lakas ng Cebu City Police Office na lalo pa nilang paiigtingin ang kampanya kontra ilegal na droga, maging sa lahat ng uri ng krimen upang masiguro ang kaligtasan, kapayapaan, at kaayusan ng lipunan.