Tinatayang nasa Php124.4 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng pulisya sa Central Visayas sa buy-bust operation na ikinasa sa Barangay Busay, Cebu City nito lamang Lunes, ika-3 ng Oktubre 2022.
Ayon kay PBGen Roque DP Vega, Regional Director ng Police Regional Office 7, ang naturang operasyon ay ikinasa bandang alas-11:30 ng umaga ng mga tauhan ng Special Operations Unit 7, PNP Drug Enforcement Group, Regional Intelligence Unit 7 sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency na humantong sa pagkakakumpiska ng milyong-milyong halaga ng ilegal na droga sa suspek na itinago sa alyas na “Marvin”.
Ayon pa kay PBGen Vega, matagumpay na naisagawa ang buy-bust operation laban kay “Marvin”, ngunit nagawa nitong makatakas sa kamay ng batas ng siya ay aarestuhin nang maramdaman niya na ang kanyang mga katransaksyon ay mga miyembro ng awtoridad at daliang tumakas sakay ng habal-habal.
Kabilang sa mga naiwan at nakumpiska sa nasabing operasyon ang nasa 18 kilo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php122,400,000, at Toyota Innova Blackish Red Mica.
Agad naman na isinumite ng mga awtoridad ang mga nakalap na ebidensya sa PNP Regional Forensic Unit para sa pagsusuri.
Ang mga nasamsam na ebidensya ay magagamit laban sa tumakas na suspek at patuloy pa rin ang paghahanap at pagsasampa ng kaso laban rito.
Saludo sating mga ka Pulisan