Cardona, Rizal – Tinatayang Php340,000 halaga ng shabu ang nasabat sa apat na High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng Rizal PNP sa Sitio Tadlak, Brgy. Looc, Cardona nito lamang Miyerkules, Setyembre 21, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Dominic Baccay, Provincial Director, Rizal Police Provincial Office, ang mga naarestong suspek na sina Jhon Carlo Santos y Roldan alyas “Dune”, 29, residente ng Zapanta St, Brgy. Dalig, Cardona, Rizal; Janice Sesbreño y Toledo, 21, residente ng San Lorenzo St, Brgy. San Juan, Tatay, Rizal; Mark Nelson Belleza y Tiomico alyas “Macky”, 29,
residente ng Sitio Tadlak, Brgy. Looc, Cardona, Rizal; at Efraim Hernandez y Labitag alyas “Jap”, 33, residente ng Mambog, Binangonan, Rizal; pawang mga High Value Individual.
Ayon kay PCol Baccay, bandang 2:50 ng madaling araw naaresto ang mga suspek ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit/PNP Drug Enforcement Unit ng Rizal PPO sa pamumuno ni Police Lieutenant Daniel Solano, Team Leader at sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency 4A.
Narekober sa mga suspek ang 10 na pirasong heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na may timbang na 50 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php340,000, isang pirasong Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang Php1,000 bill at isang asul na pouch.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article ll ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy na paiigtingin ng Rizal PNP ang kampanya laban sa ilegal na droga para walang buhay ng mamamayan lalo na sa kabataan ang mapapariwara at upang mapanatiling ligtas, tahimik at maayos ang komunidad.
Source: Rizal Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin