Nasabat ng Nueva Vizcaya PNP at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mahigit Php4 milyong halaga ng ilegal na kahoy sa isang checkpoint sa Brgy. Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya nitong Huwebes, Setyembre 15, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Edmar R Oliveros, Hepe ng Aritao Police Station, ang mga suspek na sina Cecilio, 43, mula San Jose Del Monte Bulacan; Armario, 50, mula Norzagaray, Bulacan; at Arcadio, 50, mula Pinokpok, Kalinga.
Ayon kay PLt Oliveros, alas onse y medya ng gabi nang harangin ng mga pulis kasama ng DENR ang isang FUSO Trailer Truck na naglalaman ng mga natistis na kahoy.
Nadakip ang mga suspek matapos walang maipakita sa mga otoridad na dokumento ng mga karga nilang kontrabando.
Nakuha mula sa operasyon ang 281 pirasong tabla ng narra na may iba’t ibang sukat at tinatayang nasa 8,155 board feet at nagkakahalaga ng Php 4,077,500.
Nasampahan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa PD 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines samantalang ang mga nakumpiskang kahoy kasama ng ginamit na trak ay nasa kustodiya na ng DENR.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng Nueva Vizcaya PNP kung may kaugnayan ang insidenteng ito sa naunang nakumpiskang mga kahoy ng Sta. Fe PNP noong Setyembre 12, 2022.
Samantala, sinabi ni Police Brigadier General Steve B Ludan, Regional Director ng Police Regional Office 2 na hindi titigil ang kanilang hanay sa pagsasagawa ng operasyon laban sa Illegal Logging sa buong Lambak ng Cagayan.
Hinikayat din niya ang komunidad na makipagtulungan sa kanilang hanay upang masugpo na ang ganitong krimen at matigil na ang gawaing ito na lubhang nakakasira sa kalikasan.
Source: Aritao Police Station
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes