Camp Crame, Quezon City – Muling nanawagan si PNP Chief General Rodolfo S Azurin Jr sa publiko na makipagtulungan sa Pambansang Pulisya sa pagsugpo sa krimen sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga awtoridad at ang pag-iwas sa fake news o pagpapakalat nito lalo na sa social media.
Ayon kay Police General Azurin sa kanyang press briefing nito lamang umaga, hindi nakakatulong sa bansa ang pagpapakalat ng mga maling balita ngunit nagdudulot lamang ito ng takot sa publiko at sa mga investors na nagbabalak magnegosyo sa bansa.
Mariin din niyang tinuligsa ang mga tao sa likod ng pagpapakalat ng fake news, aniya: “Ang mga kumakalap sa social media na mga video ay nangyari noon pa. If they think they’re hurting the PNP by posting it, they are hurting the economy of this country. These people sow fear among our community, among our citizenry na para bagang uncontainable na ang
krimen na nangyayari dito.”
“Majority of those crimes ay nangyari noong hindi pa ako ang naging Chief PNP. Ang panawagan po natin, sana tumulong sila hindi lamang sa PNP kundi pati na rin sa pag-angat ng ekonomiya by helping us na ipakita na maayos ang ating peace and security sa bansa,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Gen Azurin na mas pinaiigting pa ng PNP ang paglalagay ng mga tauhan sa lahat ng entertainment cities gaya ng Parañaque, Pasay at Makati bilang bahagi sa mga alternatibo nito upang masugpo ang mga krimeng may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.
Hinimok naman ni Gen Azurin ang publiko na agad ipagbigay-alam sa kapulisan sakaling may krimeng nagaganap sa kanilang komunidad, aniya: “If they witness a crime, instead of posting it in social media, ireport agad sa kapulisan para agarang ma-aksyonan, kapag hindi agad na-aksyonan maaaring ireport sa kanyang tanggapan upang mabigyan ng agarang pansin.”
Pinaalalahanan naman ng Hepe ng Pambansang Pulisya ang buong hanay na gawin lamang ng tama ang kanilang trabaho upang malabanan ang krimen at matulungang mapalakas ang ekonomiya ng bansa.