Biliran – Arestado ng mga tauhan ng Biliran Police Provincial Office ang isang wanted person na may kasong 8 Counts of Rape sa Brgy. San Juan, Balayan, Batangas nito lamang Biyernes, Setyembre 9, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Dionisio DC Apas Jr, Acting Provincial Director ng Biliran PPO, ang naaresto na si alyas “Eugenio”, 49, may asawa, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. San Juan, Balayan, Batangas at tubong Brgy. Bunga, Cabucgayan, Biliran.
Ayon kay PCol Apas, bandang 7:09 ng umaga naaresto si alyas “Eugenio” sa bisa ng Warrant of Arrest sa magkatuwang na manhunt operation ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit-Biliran PPO (Lead Unit), Cabucgayan Municipal Police Station at sa pakikipag-ugnayan sa Balayan MPS, Batangas PPO at Chairman ng Brgy. San Juan, Balayan, Batangas.
Ayon pa kay PCol Apas, umalis ang akusado sa Brgy. Bunga, Cabucgayan, Biliran matapos ang nagawang krimen at nagtago ng halos isang taon sa Balayan, Batangas.
Ang nasabing akusado ay nahaharap sa krimeng Rape (8 counts) na walang inirekomendang piyansa.
Pinuri naman ni PCol Apas ang mga operatiba sa walang humpay na pagsisikap nitong gampanan ang mga tungkulin nitong ipatupad ang batas at sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa ating lipunan.
Panulat ni Patrolwoman Rialyn B Valdez