Lopez, Quezon – Tinatayang Php306,000 na halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Lopez PNP sa Brgy. Danlagan, Lopez, Quezon nito lamang Linggo, Setyembre 4, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Joel Villanueva, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, ang dalawang suspek na sina Sherwin Caisip Buela, 37, tubong Brgy. Bignay 2, Sariaya, Quezon at Rowell Berja Montesa, 34, mula Brgy. Tagbakin Atimonan, Quezon, pawang mga kabilang sa PNP Drug Watchlist.
Ayon kay PCol Villanueva, bandang 10:10 ng gabi naaresto ang dalawang suspek sa naturang lugar ng mga operatiba ng Intel/Drug Enforcement Unit ng Lopez Municipal Police Station.
Narekober sa dalawang suspek ang apat na pirasong heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang 15 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php306,000, dalawang pirasong Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money at dalawang pirasong pitaka na kulay dark-brown at brown.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article ll ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Quezon PNP ay patuloy na ipapatupad ang kanilang tuwirang tungkulin at pagpapalawak ng mandato bilang alagad ng batas para siguraduhing ligtas at payapa ang buong probinsya ng Quezon sa banta ng droga at ilegalidad na aktibidad.
Source: Quezon PNP PIO
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin