Camp BGen Simeon A. Ola, Legaspi City – Tahasang kinondena ng Police Regional Office 5 ang ginawang pamamaril ng teroristang New People’s Army sa isang pulis sa probinsya ng Sorsogon na nagresulta sa pagkasawi nito bandang 6:00 ng gabi sa Purok 2, Sitio Cagduyong, Barangay Ginablan, Pilar, Sorsogon nito lamang Lunes, Setyembre 5, 2022.
Ayon sa ulat ng Sorsogon Police Provincial Office, habang pabalik na sa Pilar Municipal Police Station si Police Executive Master Sergeant Israel A. Rebosura sakay ng kanyang motorsiklo matapos itong bumisita sa kanyang pinapagawang bahay sa nabanggit na lugar ng biglang pagbabarilin ng mga rebeldeng NPA.
Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng ulo at katawan na siyang naging dahilan ng agarang pagkasawi ni PEMS Rebosura.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng 9mm, 5.56 at kalibre 45.
Mariing kinokondena ng buong hanay ng PRO5 ang ganitong klase ng pag-atake ng teroristang NPA sa hindi makataong pagkilos at walang pakundangang pamamaslang sa mga lingkod bayan na ang hangarin lamang ay magsilbi sa mamamayan at sa bayan.
Ito rin ay malinaw na pagpapakita na ang layunin ng NPA ay hindi kapayapaan at kaayusan bagkus ay magdulot ng kapahamakan at kaguluhan sa komunidad.
Ang PRO5 sa pamumuno ni PBGen Rudolph B. Dimas, alinsunod sa kautusan ni PGen Azurin Jr., CPNP sa kanyang programa na “Kaayusan” at “Kapayapaan” ay magsasagawa ng mga operasyon upang hadlangan at mapigilan ang kaguluhan na maaaring gawin ng mga rebeldeng grupo.
Itinaas na din ang security alert status ng PRO5 kasabay ng pagpapaigting ng kampanya upang labanan ang iba’t ibang uri ng kriminalidad sa buong rehiyon.
Ipinaabot naman ni PBGen Dimas ang kanyang taos pusong pakikiramay sa naulilang pamilya at nangakong mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
“We are saddened and lament the demise of our brother in service. We cannot tolerate this kind of acts. Your KASUROG cops with our AFP counterparts, assures the public that we will committedly do our fair share to go after these lawless elements and serve justice to the victim”, pahayag ni PBGen Dimas.
Source: KASUROG Bicol
Panulat ni Pat Rodel Grecia