Magkatuwang na inilunsad ng mga kawani ng National Police Commission (NAPOLCOM) at Police Regional Office (PRO) 7 ang Project Safety First nito lamang Biyernes, Setyembre 2, 2022 sa Barangay Lagtang Elementary School, Talisay City, Cebu.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Chief, Regional Community Affairs and Development Division 7, Police Colonel Antonietto Cañete at ang Officer-In-Charge ng NAPOLCOM 7, Atty. Risty Sibay katuwang ang mga miyembro ng Advocacy Support Group, Force Multipliers at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Dumalo rin sa naturang aktibidad ang Alkalde ng Talisay City, Hon. Gerald Anthony Gullas Jr, kung saan ay malugod nitong tinanggap at pinasalamatan ang lahat ng kalahok sa programa.
Samantala, sa naging makatwirang paliwanag ni Atty. Ronald Luib Jr, Chief, Technical Division NAPOLCOM 7, ang pagsasakatuparan ng proyekto ay alinsunod sa pagdiriwang ng National Crime Prevention Week na ginugunita sa buong unang linggo ng buwan ng Setyembre base sa Proclamation No. 461 na inilathala ng dating pangulong Fidel Ramos.
Bilang bahagi ng gawain, masayang ipinamahagi ng grupo sa 100 estudyante ng nasabing paaralan ang mga food packs, vitamins, tumblers, at hygiene kits na handog para sa mga ito.
Kasabay nito ay nagsagawa rin ng pagtuturo patungkol sa Personal Safety Tips at Illegal Drugs sa lahat ng dumalo sa naturang programa.
Pangunahing hangarin ng programa na makapagbigay ng kamalayan sa mga mamamayan ukol sa malaking bahagi ng bawat indibidwal sa pagkamit ng ligtas at maayos na kumunidad na alinsunod din sa tema ng naturang pagdiriwang, “Sa New Normal: Sambayanan Magtulungan, Krimen ay Hadlangan, Tungo sa Kapayapaan at Kaunlaran.”