Matagumpay na idinaos ang book launching ng Our Love Conquers ng PNP Officers’ Ladies Club sa PNP Museum ng Kampo Crame noong Nobyembre 8, 2021.
Iprinisinta ni Mrs. Rosalie H. Eleazar, may-akda ng libro at Ms. Rhoda Riva Poliquit, Editor, ang Our Love Conquers kung saan nakapaloob sa libro ang mga programa at proyekto na inilunsad ng PNP OLC, gayundin ang makulay na kasaysayan nito.
Kasabay nito, pinasinayaan ang OLC Remembrance Statue bilang paalala sa dedikasyon ng PNP OLC na maglingkod at tumulong sa mga programa at reporma ng PNP.
Nagkaroon din ng talakayan kung saan ibinahagi ni Dr. Liz Villaseñor, ang Curator ng PNP Museum, ang kahalagahan ng “OLC Remembrance & Love Locks”. Aniya, sinasalamin nito ang kahalagahan ng kababaihan sa tagumpay ng mga kalalakihan, partikular na ang mga asawa ng pulis.
Samantala, dumalo bilang Guest of Honor and Speaker si PNP Chief, PGen Guillermo Lorenzo T. Eleazar.
Ang PNP Officers’ Ladies Club ay kasalukuyang pinamumunuan nina Mrs. Eleazar bilang Adviser at Mrs. Leticia O. Cruz bilang Presidente.
Ito ay isang grupo na kinabibilangan ng mga maybahay ng mga kapulisan. Katuwang sila ng PNP sa pagsasagawa ng mga proyekto at programa, partikular na sa relief operations, donation drives, at pagpapatayo ng bagong mga pasilidad sa iba’t ibang Police Regional Offices.
###
Panulat ni: Police Corporal Josephine T Blanche