San Pedro City, Laguna – Arestado ang dalawang lalaki sa kasong paglabag sa RA 10591, RA 8294 at RA 9165 sa isinagawang operasyon ng San Pablo City PNP nito lamang Martes, Agosto 30, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Joewie Lucas, Acting Chief of Police ng San Pablo City Police Station, ang dalawang suspek na sina John Reny Gines Jose, 22, walang trabaho, residente ng 003 Saint John, Parola St., Cainta, Rizal at Marvin Atienza Marasigan, 27, walang trabaho, residente ng Sumulong Extension St, Bagumbayan, Angono, Rizal.
Ayon kay PLtCol Lucas, bandang 4:20 ng madaling araw nang nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen na nakitaan ng baril ang dalawang lalaki sa Walk In Love Bar ng Brgy. II-F, San Pablo City, Laguna.
Agad naman itong nirespondehan ng Special Weapons and Tactics o SWAT at Intel Operatives ng San Pablo City Police Station.
Narekober kay Gines ang isang kulay violet na back pack na may laman na 27 pirasong iba’t ibang klase ng cellphone, tatlong pirasong android tablet, isang pares ng puting Nike na sapatos, isang itim na Lacoste sling bag, isang Granada at isang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang caliber 9mm norinco pistol, isang magazine, tatlong pirasong 9mm live ammunitions at pera.
Narekober naman kay Marasigan ang isang kulay asul na sling bag na naglalaman ng isang Granada, isang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, pera, isang caliber .38 revolver, dalawang pirasong bala ng caliber .38, at isang kulay blue na Yamaha Sniper motorcycle.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 8294 o Illegal Possession, Manufacture, Acquisition of Firearms, Ammunition or Explosives at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Source: San Pablo City Police Station
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin