Gattaran, Cagayan – Muling inilunsad ng Cagayan PNP ang KASIMBAYANAN (Kapulisan, Simbahan at Pamayanan) nitong Biyernes, ika-27 ng Agosto 2022 sa New Life Church, Centro Sur, Gattaran, Cagayan.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Santos B Baldovizo, Deputy Provincial Director for Administration ng Cagayan Police Provincial Office at dinaluhan ng iba’t ibang life coaches mula sa mga religious sector at ng mga Punong Barangay ng Unang Distrito ng Cagayan.
Sa naganap na programa ay tinalakay ni Police Lieutenant Colonel Emil Pajarillo, Hepe ng Cagayan Provincial Community Affairs and Development Unit ang PNP Internal Cleansing Strategy at Interfaith Squad System, at Squad Weekly Interactive Meeting (SWIM).
Binigyan diin din ni PLtCol Pajarillo ang mahalagang papel ng My Brother’s Keeper Life Coaches (MBKLC) upang maipagpatuloy ang programang sinimulan ng Cagayan PNP na nakasentro sa spiritwal na buhay ng bawat Cagayano Cops.
Samantala, itinuro naman ni Pastor Danny Punay, Regional Coordinator ng MBKLC ang konsepto ng KASIMBAYANAN.
Layunin ng programang ito na palakasin ang ugnayan ng kapulisan, simbahan, at pamayanan para sa isang maayos, payapa, at maunlad na pamayanan.
Source: Cagayan PPO
###
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes