Sta. Cruz, Laguna – Tinatayang Php140,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isang suspek sa ikinasang buy-bust operation ng Sta. Cruz PNP at Philippine Drug Enforcement Agency 4A nito lamang Huwebes, Agosto 25, 2022.
Kinilala ni Police Major Roger Baling-oay Jr, Chief of Police ng Sta. Cruz Municipal Police Station, ang suspek na si Eovigildo Abustan y Ugsod, 36, residente ng Brgy. Biñan, Pagsanjan, Laguna.
Ayon kay PMaj Baling-oay Jr, bandang 1:15 ng madaling araw nang naaresto ang suspek sa Sitio Maligaya, Brgy. Pagsawotan, Sta. Cruz, Laguna ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Sta. Cruz Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency 4A.
Narekober sa suspek ang 10 pirasong heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 20.58 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng Php140,000, isang pirasong Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang coin purse at tatlong pirasong Php100 bill.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hinikayat ng PNP ang mamamayan na ipagbigay alam ang mga ilegal na aktibidad na may kinalaman sa ilegal na droga upang maging drug free ang komunidad.
Source: Sta. Cruz Municipal Police Station
###
Panulat ni Police Executive Master Sergeant Joe Peter Cabugon