Palo, Leyte – Nagbigay seguridad ang mga tauhan ng Police Regional Office 8 upang masiguro ang ligtas na Oplan Balik Eskwela ng Department of Education (DepEd) para sa nationwide face-to-face classes ng School Year 2022-2023 nitong Lunes, Agosto 22, 2022.
Bilang bahagi ng inisyatibo ng PRO 8 para sa nasabing pagbubukas ng mga klase, may kabuuang 2,984 na kapulisan ang nadeploy sa iba’t ibang paaralan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, guro at mga tagapag-alaga ng mga estudyante.
Sa kabuuan, mayroong 3,543 na mga paaralan sa buong rehiyon at nasa 169 na mga kapulisan ang nakatalaga sa mga pribadong paaralan at 3,374 sa mga pampublikong paaralan.
Samantala, 477 Police Assistance Desks (PADS) ang itinayo na may 917 na kapulisan upang matugunan ang anumang concerns, clarifications o katanungan mula sa publiko.
May 211 na kapulisan din ang inilagay bilang Bus Marshal at 215 ay nakaposisyon sa mga transportation hubs. Humigit kumulang 1,445 na kapulisan naman ang ikinalat bilang route security.
Sa unang araw ng Brigada Eskwela, nakibahagi ang mga kapulisan ng Eastern Visayas sa paglilinis ng mga paaralan sa kani-kanilang Area of Responsibilities.
Mensahe ni Police Brigadier General Rommel Francisco Dayleg Marbil, Regional Director, “Ikinagagalak naming makatulong sa makabuluhang programang ito ng DepEd kasama ng iba pang pambansang ahensya. Naniniwala kami na ito ay isang shared responsibility. Ipinangako namin ang aming sarili sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa buong Eastern Visayas para sa pormal na pagbubukas ng mga klase”.
###
Panulat ni Patrolwoman Rialyn B Valdez