Tumauini, Isabela – Muling nagpasaya ang programa ng Tumauini Police Station na “Kaggawak Ku, Pagayayya Mu” (Kaarawan Ko, Kasiyahan Mo) na ginanap sa Barangay Fugu Abajo, Tumauini, Isabela noong ika-20 ng Agosto 2022.
Ayon kay Police Major Charles B Cariňo, Acting Chief ng Tumauini PS, ang programa ay bilang pagdiriwang ng kaarawan ng mga tauhan ng istasyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng outreach program at pagpapaabot ng tulong sa mga residente ng munisipalidad na lubos na nangangailangan.
Bahagi ng programa ang pagsasagawa ng feeding program at pamamahagi ng school supplies sa mga batang dumalo sa ilalim ng ng Project AKLAT (Adhikaing gabayan ang mga Kabataan at Linangin ang kanilang kaisipan Tungo sa magandang kinabukasan).
Nasa 50 indibidwal ang naging benipisyaryo na nagpaabot ng kanilang pasasalamat sa regalong ipinagkaloob sa kanila.
Itinuturing na Best Practice ng istasyon ang naturang programa na alinsunod sa Community Service Oriented Policing (CSOP) at bilang pagsuporta sa EO 70 NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict).
Ang matagumpay na programa ng Pambansang Pulisya ay naglalayong makamit ang matatag na ugnayan sa pamayanan sa tulong at suporta ng lokal na pamahalaan, stakeholders, mga advocacy support groups at pakikiisa ng mamamayan.
Source: Tumauini PS
###
Panulat ni Police Corporal Carla Mae P Canapi