Camp BGen Simeon A. Ola, Legaspi City – Pormal nang inilunsad ng Police Regional Office 5 (PRO5) ang Project T.A.N.G.L.A.W. “Tabang sa Aki na Nangangaipo, Ginhawa asin Liwanag Ang maitatao para Wakasan ang pagtios, Giya sa Pag-asenso” na ginanap sa Tanglaw Diwa ’92 café sa loob ng Camp BGen Simeon A. Ola nitong Biyernes, Agosto 19, 2022.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Police Brigadier General Rudolph B. Dimas, Regional Director ng PRO5 bilang panauhing pandangal. Ang nasabing proyekto ay naglalayong makatulong sa mga bata na mula sa mga pamilyang higit na nangangailangan upang makapagbigay ng pag-asa sa pag-abot sa kani-kanilang mga pangarap sa buhay at upang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Limang mag-aaral ang naging benepisyaryo ng nasabing proyekto na pawang mga residente ng Barangay Sagpon, Daraga, Albay. Sila ay nakatanggap ng libreng school supplies, uniform, sapatos at iba pang pangunahing kagamitan sa pagbabalik-eskwela sa pakikipagtulungan ng Tanglaw Diwa Café at SM City Legaspi.
Ang proyekto ay nakaangkla sa programa ng Hepe ng Pambansang Pulisya na si Police General Rodolfo S. Azurin Jr na M+K+K=K o ang Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan equals Kaunlaran.
Ito ang naging mensahe ni PBGen Dimas sa naturang programa, “Kami po sa hanay ng pulisya ay laging nakahanda para tumulong sa inyo di lamang sa pagsisiguro ng kaayusan at katahimikan ng ating pamayanan kundi pati na sa layuning mapabuti ang buhay ng ating mga kababayan.”
Source: KASUROG Bicol
###
Panulat ni Patrolman Rodel Grecia