Camp Salvador C. Escudero Sr., Sorsogon City – Patay ang tatlong miyembro ng NPA at dalawa ang nasakote sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga otoridad at New People’s Army sa Sitio Pinaglabanan, Barangay Gatbo, Sorsogon City nito lamang Miyerkules, Agosto 18, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Arturo Brual Jr., Provincial Director ng Sorsogon Police Provincial Office, ang mga nasawi na sina Rene Ezperanzate alyas “Anjo”, Team Leader ng Rebolusyonaryong Buwis sa Kaaway na Uri (RBKU), Jaime Fortadez alyas “Moy”, Vice Commanding Officer at si Tony alyas “Amon”. Kinilala naman ang mga naaresto na sina Janine Chavez at Leopoldo Laririt alyas “Ani”.
Ayon kay PCol Brual Jr., habang nagsasagawa ng Intelligence-driven combat operation sa nabanggit na lugar ng mangyari ang engkwentro sa pagitan ng pinagsanib na operatiba ng Provincial Intelligence Unit- Sorsogon, Prieto Diaz Municipal Police Station, Sorsogon 1st Provincial Mobile Force Company, Sorsogon City Police Station, Philippine Army at sa mga armadong rebeldeng NPA na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong miyembro ng NPA at pagkakaresto sa dalawa nitong kasamahan.
Ayon pa kay PCol Brual Jr., narekober sa nangyaring engkwentro ang dalawang 5.56 Baby Armalite rifles, isang cal. 9mm Baretta Pistol, siyam na long fully loaded magazines at isang short fully loaded magazine para sa 5.56mm M16 rifles, dalawang fully loaded magazines para sa 9mm pistol Beretta, Bandoliers, personal na mga kagamitan, mga gamot, radio at mga subersibong dokumento.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Rudolph B. Dimas, Regional Director ng PRO5 ang operating team sa matagumpay na Anti-Insurgency Operation na naglalayong wakasan na ang kalupitan at pang-aabuso na ginagawa ng NPA sa nabanggit na lugar.
Source: Sorsogon PPO
###
Panulat ni Patrolman Rodel Grecia