Daet, Camarines Norte – Nasakote ang isang Pharmacy Assistant sa inilunsad na entrapment operation ng mga tauhan ng PNP Response Team at Daet PNP sa kasong Estafa sa Daet, Camarines Norte nito lamang Martes, Agosto 16, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Arnel De Jesus, Chief of Police ng Daet Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Emang”, 33, babae, Pharmacy Assistant at residente ng Purok 1, Barangay San Felipe, Basud, Camarines Norte.
Ayon kay PLtCol De Jesus, dumulog sa kanilang himpilan ang dalawang biktima na sina alyas “Meo”, 27, residente ng Brgy. Sta. Cruz, Jose Panganiban at si alyas “Mark”, 32, residente ng Purok Ubas, Barangay Gubat, Camarines Norte matapos na pangakuan umano sila ng suspek na maipapasok sa Philippine Army dahil nagpakilala umano ito sa kanila na may koneksyon sa loob ng recruitment ng nasabing opisina at humingi din ang suspek ng pera sa mga biktima para sa processing.
Ayon pa kay PLtCol De Jesus, agad na ikinasa ang entrapment operation bandang 3:15 ng hapon sa Medical Plaza, Purok 1A, Barangay VI, Daet, Camarines Norte at nahuli sa akto ang suspek habang tinatanggap ang extortion money.
Nakuha mula sa suspek ang isang yunit ng cellphone, isang pirasong Php500 bill na pagmamay- ari ni Mark, isang pirasong tunay na Php500 peso bill at limang pirasong pekeng Php500 peso bill na pagmamay-ari ni Meo.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Estafa at Usurpation of Authority ng Revised Penal Code (RPC) na may kaugnayan sa RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Hinihikayat ng PNP na agad na isumbong ang mga ganitong insidente upang mabigyan ng agarang aksyon at masakote ang mga mapagsamantalang tao at matigil na ang ganitong uri ng panloloko.
###