Cebu City – Matagumpay na isinakatuparan ng mga kawani ng Regional Medical and Dental Unit 7 (RMDU7) ang pagsasagawa ng Enhanced Monitoring of Police Overall Wellness (EMPOw) o “Serbisyong Pangkalusugan Para sa Bisdak Cops” na ginanap nito lamang Biyernes, ika-12 ng Agosto 2022 sa Police Regional Office 7 Headquarters Camp Sergio Osmeña Sr., Cebu City.
Ang makabuluhang aktibidad ay pinangunahan ni Police Brigadier General Roque Eduardo DP Vega, Regional Director ng PRO 7 na kinatawan ni Police Colonel Hector G Maestra, Deputy Regional Director for Administration, at masugid na pinaunlakan ng Acting Director ng PNP Health Service na si Police Colonel Jezebel Dominguez Medina, na siyang naging panauhing pandangal at tagapagsalita ng programa.
Dumalo rin sa naturang programa si Police Colonel Noel R Flores, Deputy Regional Director for Operation; Police Colonel Aladdin M Collado, Chief Regional Staff; Police Colonel Jose V Sales Jr, Regional Chief RMDU7; mga kawani ng Department of Health; National Police Commission; AFPSLAI; at mga tauhan ng Police Regional Office 7.
Naging sentro sa naturang programa ang pagturnover ng mga kagamitan sa Regional Medical Unit 7 kagaya ng computer, laptop, printer, medical kits, hygiene kits, vitamins, at bagong ambulance na donasyon mula sa AFPSLAI.
Bilang bahagi ng aktibidad, nagpaabot din ang mga kawani ng RMDU 7 at ng mga ahensya na katuwang nito ng mga serbisyong medical para sa mga kapulisan katulad ng Free Denture, Optical Service, Nutritional Counseling, Psychological Counseling, at iba pa.
Sa naging mensahe ng Acting Director ng PNP Health Service, Police Colonel Jezebel Dominguez Medina, ang EMPOw ay isang programa ng naturang unit na naglalayong malaman at matugunan ang madalas na problemang nararanasan ng kapulisan sa usaping pangkalusugan at nang maprotektahan at mapangalagaan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng kanilang Physical Examination Screening at ng ilan pang mga nakatakdang hakbangin nito para sa maayos at tagumpay na pagsasakatuparan ng programa.
Saad ni Police Colonel Medina, “This is the realization of one of our goals, na maibahagi ang programang ito sa lahat ng rehiyon at sa kanilang mga personnel. Looking forward, Health Service allocates its resources on basic health programs and activities that are truly needed by our personnel. Ang EMPOw at iba pang pangkalusugan na aming ginagawa sa inyo, ay muli nating bubuhayin at paiigtingin dahil gusto po namin na maramdaman ninyo kami, ang inyong PNP Health Service.”
“All of our RMDUs are tasked to strive harder in discovering all possible approaches on how health care services can be delivered to where our police officer are [is]…As we say, we don’t just wait, we reach out,” dagdag pa nito.
Lubos naman ang pasasalamat ng PRO 7 para sa naturang programa na siyang tinatanaw na lubos na makakatulong para sa ikabubuti ng mga tauhan nito.
###