Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang lahat ng Police Regional Offices sa labas ng Metro Manila na maghanda sa pagpapatupad ng Alert Level System sa buong bansa.
Ayon sa Department of Health, paiiralin ang Alert Level System sa buong bansa simula December 1.
“Iba-iba ang mga panuntunan sa bawat alert level system kaya dapat lamang na alam ng bawat pulis kung paano ang deployment nito upang hindi magkaroon ng kalituhan sa pagpapatupad ng mga patakaran,” pahayag ni PGen Eleazar.
Inaasahan ang pagluluwag sa mga regulasyon sa mga lalawigan at rehiyon at kaakibat nito ang pagbubukas ng mas maraming establisyamento at ang pagdami ng taong lalabas sa kani-kanilang mga tahanan.
Sinabi ni PGen Eleazar na bukod sa istriktong pagpapatupad ng minimum safety health protocols, dapat ding siguraduhin ng mga kapulisan ang maigting na pagpapanatili ng seguridad upang hindi makapambiktima ang masasamang-loob.
Sa kasalukuyan, ang National Capital Region ay nasa ilalim ng Alert Level 2 hanggang Nobyembre 21.
Samantala, simula Disyembre 1, ang itatalagang alert level sa buong bansa ay tutukuyin tuwing ika-15 at ika-30 ng bawat buwan.
“Napatunayang mabisa ang alert level system sa pagtulong sa pagpapababa pa ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila. Kaya tutulong ang PNP na tiyaking magiging epektibo ang sistemang ito sa buong bansa,” pagtitiyak ni PNP Chief Eleazar.
Hinimok din ng hepe ang publiko na sundin ang umiiral na minimum public health standards upang mabawasan ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.
###
Panulat ni: Police Corporal Josephine T Blanche