Tinanghal bilang Best Provincial and City Mobile Force Company ang 1st Mountain Province PMFC at Baguio CMFC sa pagdiriwang ng ika-121st Police Service Anniversary na ginanap sa PNP Multi-Purpose Center, Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City noong Agosto 8, 2022.
Ang mga parangal ay personal na tinanggap ng Force Commander ng 1st Mt. Province Provincial Mobile Force Company, Police Lieutenant Colonel Roy Awisan at Force Commander ng Baguio City Mobile Force Company na si Police Lieutenant Colonel Renny Lizardo mula mismo kay President Ferdinand R. Marcos Jr., bilang panauhing pandangal sa nasabing programa na may temang, “Matibay na Ugnayan ng Pulisya at Mamamayan, Tungo sa Pagkakaisa, Kapayapaan at Kaunlaran”.
Samantala, para naman sa Individual Category Award, iginawad ang Best Non-Uniformed Personnel (NUP) for Non- Supervisory Level kay NUP Mary Jean J Bañaga ng Regional Logistics and Research Development Division (RLRDD) ng PROCOR.
Natanggap ng mga nasabing grupo at indibidwal ang kanilang parangal dahil na rin sa kanilang mga katangi-tanging gawa mapa-operasyon man o administrasyon.
Ang tagumpay na ito ay patunay na ang kapulisan ng Cordillera ay may mahusay na pamamalakad at kalidad na serbisyo at may mataas na antas ng propesyonalismo at dedikasyon sa mga sinumpaang tungkulin na nararapat tularan.
Source: PROCOR PIO
###
Panulat ni Patrolwoman Febelyne Codiam