Surigao del Norte – Tinatayang nasa Php340,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isinagawang buy-bust operation ng Surigao del Norte PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa P-4, Brgy. Taruc, Socorro, Surigao del Norte na nagresulta ng pagkaaresto ng tatlong suspek nito lamang Miyerkules, Agosto 3, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Romeo Caramat Jr, Regional Director ng Police Regional Office 13, ang tatlong suspek na sina Mark John Dotillos, 37; Dahima Savandal, 45; at si Nixon Savandal, 50, na pawang residente ng Purok 4, Brgy. Taruc, Socorro, Surigao del Norte.
Ayon kay PBGen Caramat, bandang 5:10 ng umaga ng isagawa ang operasyon sa nabanggit na lugar ng mga tauhan ng PDEA-Surigao del Norte Provincial Office, ang PDEA-Dinagat Provincial Office, Provincial Drug Enforcement Unit ng Surigao del Norte Police Provincial Office at Socorro Municipal Police Station.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 50 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php340,000, isang keypad cellphone, Php800 na cash money at 10 pirasong Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5, 11 at 26, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang pagtutulungan ng PNP at PDEA sa pagsasagawa ng operasyon kontra ilegal na droga upang mapangalagaan ang komunidad sa anumang banta ng krimen.
###
Panulat ni Patrolman Jhunel Cadapan/RPCADU13