Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City – Kinilala ng pamunuan ng Philippine National Police ang mga miyembro ng kapulisan na nagpakita ng katangi-tanging pagganap ng kanilang tungkulin kasabay ng Monday Flag Raising Ceremony sa PNP National Headquarters nito lamang araw ng Lunes sa unang araw ng Agosto 2022.
Pinangunahan ni PNP Officer-In-Charge Police Lieutenant General Vicente D. Danao, Jr. ang paggawad ng medalya sa mga operatiba ng pulisya kasama sina PLtGen Rhodel O. Sermonia, The Deputy Chief for Administration, at bagong talagang Director ng The Chief of Directorial Staff na si PLtGen Chiquito M. Malayo; kasama rin si Inspector General ng PNP Internal Affairs Service na si Atty. Alfegar Triambulo.
Ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan ang mga operatiba ng PNP Drug Enforcement Group na nagsagawa ng buy-bust operation noong Hulyo 28, 2022 sa San Fernando City sa lalawigan ng Pampanga na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang big-time drug trafficker ng droga na si Hernanie Kosumo kung saan nasamsam sa kanya ang 60 kilong methamphetamine HCL o kilala rin sa tawag na shabu na may Standard Drug Price na Php408,000,000.
Personal na tinanggap ang naturang Medalya nina Police Lieutenant Kharla Camille M. Clemente, Police Corporal Antonio S. Ymasa, Jr., PCpl Albert D. Ramos, PCpl Mario G. Valdez, PCpl Eric Y. Salonga, Patrolman Randy I. Sandoval, Pat Guiller S. Sabuyas, Pat Jonathan E. Rualo, Pat. John Paul Z. Quirolgico, Pat Joel V. Binondo, Jr., at Pat Jezer B. Tarayao.
Samantala, kaugnay ng matagumpay na isinagawang dragnet operation upang mahuli si Dr. Chao Tiao Yumo na suspek sa insidente ng pamamaril sa Ateneo de Manila University noong Hulyo 24 kung saan ikinasawi ng tatlong katao na kinabibilangan nina dating alkalde ng Lamitan, Basilan na si Rosita Furigay kasama ang kanyang anak na babae, at kanyang executive secretary na si Victor Capistrano, ginawaran ng Medalya ng Kagalingan ang mga kapulisan ng National Capital Region Police Office na sina PCpl Halie Kristen A. Ramos, PCpl Erlindo G. Selosa at Pat Romnick V. Mangulad.
Ginawaran naman ng Medalya ng Papuri sina Police Chief Master Sergeant Rodolfo C. Ramos, Jr. at Police Staff Sergeant Antonio S. Timario, Jr. na nagsilbing radio operator ng Tactical Operations Center na naging susi upang mabilis na maaksyunan ang naturang insidente ng pamamaril.
Kaugnay naman ng mapayapa at makasaysayang pagbubukas ng 19th Congress at unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. sa Batasang Pambansa sa Batasan Hills sa lungsod ng Quezon noong ika-25 ng Hulyo, pinagkalooban ng Medalya ng Kasanayan ang pamunuan ng NCRPO na nangasiwa upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng lahat sa pagbibigay ng security coverage sa pangunguna ni Regional Director Police Brigadier General Remus B. Medina kasama sina Police Colonel Redrico A. Maranan, PCol Christopher F. Olazo at PLtCol Abraham D. Abayari.
Naglunsad naman ng sabayang panunumpa ng PNP Law Enforcement Pledge for Reaffirmation of Commitment and Support para sa International Humanitarian Law ang buong kapulisan na pinangunahan ng Hepe ng PNP Human Rights Affairs Office na si PBGen Vincent S. Calanoga.
Samantala, inilagay naman sa half-mast ang pambansang watawat bilang pakikiisa sa pagluluksa sa pagpanaw ng dating Pangulong Fidel V. Ramos na yumao sa edad na 94 noong araw ng Linggo, Hulyo 31, 2022.
Sa pagtatapos ng programa, pinuri ni PLtGen Danao, Jr. ang tagumpay na natamo ng mga pinarangalan at hinimok din ang bawat isa na isapuso at isaisip ang karapatang pantao ng bawat isa at huwag abusuhin ang karapatang ‘yon.
###
Panulat ni Patrolman Noel S. Lopez