Itbayat, Batanes – Nakipagbayanihan ang Itbayat Police Station kasama ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy Marines at iba pang community volunteers upang mabigyan ng tubig ang bayan ng Itbayat, Batanes nito lamang Biyernes, Hulyo 29, 2022.
Ayon kay Police Lieutenant Eusebio P Castillo, Officer-In-Charge ng Itbayat Police Station, 60 pirasong tubo ang binuhat ng grupo mula Sitio Domnayrang hanggang Sitio Imay upang maikabit ito papunta sa water tank ng Piyaviugan.
Hindi nila alintana ang init at pagod sa kagustuhang maiayos ang daluyan ng tubig patungong bayan para sa mga mamamayan ng Itbayat.
Samantala, pinasalamatan naman ni PLt Castillo ang mga nagboluntaryong tumulong upang mas lalong mapabilis ang proyekto.
Siniguro din niya na ang hanay ng Itbayat Police Station ay patuloy na tutulong at maghatid ng serbisyo upang maramdaman ng mga Ivatan ang pagpapahalaga sa kanila ng gobyerno.
Source: Itbayat Police Station
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes