Kidapawan City – Tinatayang Php1,297,800 halaga ng marijuana ang nasabat ng mga operatiba ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA 12) sa isinagawang Controlled Deliver Operation sa Kidapawan City Post Office, Quirino Drive, Brgy. Poblacion, Kidapawan City noong Hulyo 27, 2022.
Kinilala ang naarestong drug suspek na si Jude Paolo Javier y David, 25, walang asawa, Job Order Employee ng LGU- Kidapawan City na nakatalaga sa City Health Office, at residente ng 3rd Block, Rizal Street, Brgy. Poblacion, Kidapawan City, Cotabato Province.
Dakong alas 10:48 ng umaga ng matimbog si Javier sa pinagsanib puwersa ng PDEA Cotabato Provincial Office, PDEA NAIA IADITG, Kidapawan City Police Station, Regional Intelligence Division 12, Bureau of Customs – Collection District XII at Highway Patrol Group.
Ayon sa PDEA 12, narekober sa suspek ang dalawang plastic bags na naglalaman ng marijuana na may timbang na 927 gramo, dalawang plastic bags na may nakapaloob na 21 vape cartridges na naglalaman ng yellowish substance na hinihinalang marijuana oil.
Bukod pa rito, narekober din sa kanya ang ginamit nitong pantakip at pambalot, tulad na lang ng isang pirasong sako na may lamang 2 brown box na nabalot ng itim na plastic at tape at dalawang kulay ginto na lata.
Palusot pa ng suspek, na kagamitang panluto ang dala nitong Air Waybill Parcel.
Nahaharap naman ngayon si Javier sa kasong paglabag sa Section 5, 11, at Article II ng RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Muli namang pinapaalalahanan ng mga alagad ng batas ang mga indibidwal na gumagamit pa o nagbebenta ng mga ilegal na droga na kanila na itong itigil dahil hindi hihinto ang mga otoridad na madala ito sa batas at kulungan para sa ikatatahimik ng komunidad.
Source: PDEA Regional Office XII
###
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin