Dumaguete City, Negros Oriental – Tinatayang Php1,907,808 halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang High Value Individuals (HVI) sa buy-bust operation ng Dumaguete City PNP nito lamang Lunes, ika-25 ng Hulyo 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Joeson Parallag, Chief of Police ng Dumaguete City Police Station ang mga naaresto na sina Jovic Calibo alias “Nano”, 24, tubong Lanao Del Norte, kasalukuyang residente ng Cang-Alwang Siquijor, Siquijor at Janjan Banaldia, 21, residente ng Purok Gumamela, Bagacay, Dumaguete City.
Ayon kay PLtCol Parallag, naaresto ang mga suspek bandang 12:48 ng madaling araw sa Purok Tres Rosas, Barangay Bagacay, Dumaguete City ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit ng Dumaguete City Police Station sa pangunguna ni Police Lieutenant Bobby Fulmaran, katuwang ang mga tauhan ng City PNP Drug Enforcement Unit, Provincial Drug Enforcement Unit at Dumaguete Maritime Police Station.
Ayon pa kay PLtCol Parallag, nakumpiska sa isinagawang operasyon ang ilang small, medium at large size na plastic bag na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na tumitimbang ng nasa 280.56 gramo na may street value na Php1,907,808.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
Ang PNP ay patuloy na susugpuin ang ilegal na droga sa lungsod at iba pang krimen upang mapanatili ang maayos at ligtas na komunidad.
###
Panulat ni Patrolman Aivan Guisadio