Camp Bagong Diwa, Taguig City — Inilunsad ng PNP Health Service ang Enhanced Monitoring of Police Overall Wellness (EMPOW) sa Multi-Purpose Hinirang Hall, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City nito lamang Huwebes, Hulyo 14, 2022.
Ang naturang programa ay may tema na “Serbisyong Pangkalusugan para sa Pulis NCRPO,” na pinangunahan ni Police Colonel Michelle A Arban, Chief, Regional Medical and Dental Unit- NCR.
Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ang kalusugan ng lahat ng NCRPO personnel na may diabetes, hypertension, at dyslipidemia.
Layunin rin ng programa na protektahan ang kalusugan ng mga kapulisan lalo na sa NCR mula sa pagkakaroon ng mga sakit at alamin ang kanilang karaniwang karamdaman sa pamamagitan ng Annual Physical Examination screening.
Upang makamit ang layuning ito, mahigpit na susubaybayan ng mga medikal practitioner ang mga pasyente sa pamamagitan ng quarterly visitation at laboratory examination tuwing anim na buwan bilang bahagi ng programa.
Nag-turn over ng mga medikal na kagamitan at suplay pati na rin ang libreng medikal na pustiso bilang bahagi ng kanilang programa na “Libreng Pustiso, para sa Pulis NCRPO,” ang Guest of Honor and Speaker na si Police Colonel Jezebel D Medina, Acting Director of Health Service.
Pinuri naman ni NCRPO Regional Director PMGEN Felipe Natividad ang matagumpay na paglulunsad ng programa, na ayon sa kanyang mensahe ay ibibigay ng NCRPO sa bawat tauhan nila ang kinakailangang tulong at paglapat ng lunas na nararapat sa kanila hanggang sa magarantiyahan nila ang isang malusog, ligtas at maayos na kapaligiran sa trabaho, komunidad at pamilya.
Source: PIO NCRPO
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos