San Isidro, Parañaque City — Tinatayang Php204,000 halaga ng shabu ang nakulimbat mula sa tatlong drug suspect sa buy-bust operation ng Southern Police District nito lamang Martes, Hulyo 12, 2022.
Kinilala ni SPD Director, PBGen Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Rexan Godino Apigo alyas “Buntog”, 46, balo, forklift operator; Vicente Llander Gasilos, 60; at Helen Mie Puzon Abueva, 32, vendor, pawang mga residente ng Parañaque City.
Ayon kay PBGen Macaraeg, dakong 8:30 ng gabi nahuli ang mga suspek sa No. 41 Bacawan Street Purok 1 Silverio Compound, Barangay San Isidro, Parañaque City ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit, District Intelligence Division, at PDEA.
Narekober sa mga suspek ang 29 na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang genuine Php500 na ginamit bilang buy-bust money, isang itim na pouch at isang wallet.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Art II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Ang sunod sunod na operasyon kontra ilegal na droga sa ating nasasakupan ay bunga ng ating maigting na kampanya kontra ilegal na droga, ang ilegal na droga ay walang magandang maidudulot sa ating katawan, bagkus sisirain lang nito ang ating buhay kaya naman ito ay ipinagbabawal ng ating batas, sa ating mga kababayan hindi po titigil ang inyong mga pulis na sugpuin ang ilegal na droga sa ating nasasakupan, makakaasa po kayo sa pamamagitan ng inyong suporta, at sa ating gobyerno, magtutuloy-tuloy ang ating kampanya upang wakasan ang mapinsalang ilegal na droga,” ani PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin Magay Gargantos