Zamboanga City – Tinatayang nasa Php340,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isang suspek sa buy-bust operation ng Zamboanga PNP nito lamang Lunes, Hulyo 11, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Franco Simborio, Regional Director ng Police Regional Office 9, ang suspek na si Jaber Salasim Antam alyas Jaber, 32, lalaki, walang trabaho at residente ng Brgy. Baliwasan Seaside, Zamboanga City.
Ayon kay PBGen Simborio, bandang alas-3:44 ng hapon nang mahuli ang suspek sa Timex compound, Brgy. Baliwasan, Zamboanga City ng mga operatiba ng Regional Drugs Enforcement Unit 9.
Nakumpiska sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 50 gramo at may tinatayang halaga na Php340,000, isang pirasong Php1,000 bill na ginamit bilang boodle money, at isang bundle na binubuo ng 39 pirasong Php1 ,000 bill na ginamit bilang marked money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang PNP ay patuloy na paiigtingin ang kampanya kontra ilegal na droga at kriminalidad para sa mas mapayapa at ligtas na komunidad.
###
Panulat ni Patrolman John Ronald Tumonong/RPCADU 9