Pinapurihan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang matagumpay na pagkakadakip ng PNP CARAGA sa mag-asawang sangkot sa Kapa Community Ministry International, isang grupo na sangkot sa investment scam.
Kinilala ang mag-sawang suspek na sina Samson Amores, 53 at Analita Amores, 46, pawang Most Wanted Person sa Butuan City.
Naaresto ang mga suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 2 sa Libertad.
“Kailangang harapin nila ang kasong isinampa laban sa kanila sa korte na bunsod ng umano’y panggagantso at panloloko nila sa napakaraming tao. Magpapatuloy ang pulisya sa pagtugis sa iba pang natitirang suspek sa Kapa investment scam upang panagutin sila sa batas,” ani PNP Chief Eleazar.
Hulyo noong nakaraang taon, naaresto si Kapa founder Joel Apolinario kasama ang 23 iba pa sa Surigao del Sur kung saan nauwi pa sa barilan ang naturang operasyon. Nahulihan ng matataas na kalibre ng baril ang nasabing grupo.
Ang Kapa ay inaakusahang sangkot sa Ponzi scheme kung saan ine-engganyo ang mga tao na magbigay ng Php10,000 sa organisasyon kapalit ang panghabang-buhay na 30% monthly return o tinatawag na “love gift”.
Paalala ni PGen Eleazar, huwag agad pumasok sa mga investment scheme lalo na kung kaduda-duda ang mga inaalok nila.
“Maging mapanuri at maingat tayo sa ganitong klaseng mga investment scheme na nangangako ng napakalaking balik o kaya ay mag-aalok ng instant cash na walang kahirap-hirap. Kung kayo ay nabiktima man ng scam, ipagbigay-alam ninyo agad sa mga awtoridad upang aming maaksyunan,” wika ng hepe.
####
Article by Police Corporal Josephine T Blanche