Cebu City – Arestado ang isang babae matapos makuhanan ng humigit-kumulang 15-kilo ng shabu sa anti-illegal drug operation nito lamang Sabado, Hulyo 9, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Arnel B Banzon, City Director ng Lapu-lapu City Police Office, ang suspek na si Grace Glory Pabillo Juntilla alyas “Nicole”, 31, babae, residente ng Sitio Ibapo, Brgy. Mactan, Lapu-lapu City at kabilang sa High Value Individual sa naturang lugar.
Ayon kay PCol Banzon, naaresto si Juntilla bandang 3:25 ng hapon sa Barangay Pusok, Lapu-Lapu City ng mga operatiba ng City Intelligence Unit at City Drug Enforcement Unit ng Lapu-lapu City Police Office katuwang ang Regional Police Drug Enforcement Unit, Regional Intelligence Division at Naval Security Group.
Nakuha sa naturang suspek ang 15 tea bag na naglalaman ng white crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na humigit kumulang 15 kilo ang bigat na may Standard Drug Price na Php102,000,000; isang eco bag; isang trolley luggage at buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article 2 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Lapu-lapu City Police Office sa pamumuno ni PCol Banzon ay hindi titigil sa mga operasyon kontra ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad.
###