Upper Bicutan, Taguig City — Umabot sa Php3.4 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa pitong suspek sa buy-bust operation ng PNP at PDEA nito lamang Sabado ng gabi, Hunyo 18, 2022.
Kinilala ni Southern Police District Director, Police Brigadier General Jimili Macaraeg, ang mga suspek na sina Abdul Wahid Solaiman alyas “Wahid”; Bong Pagayao Mangelen; Benji Guianadal Maitum; Badrudin Talusan Dalgan; Fahad Salik Solaiman; Noel Emad Kalim; at Buhari Komatig Malaguit.
Ayon kay PBGen Macaraeg, bandang 8:30 ng gabi naaresto ang mga suspek sa Blk 124., Lt 12 So. Imelda St., Brgy., Upper Bicutan, Taguig City sa pinagsanib puwersa ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng SPD, DID, DMFB-SPD at PDEA.
Nasamsam mula sa mga suspek ang sampung heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang 500 gramo ang bigat at may estimated Standard Drug Price na Php3,400,000; isang black sling bag, dalawang pitaka, isang unit na Red 2005 Nissan Urvan at boodle money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang PNP ay patuloy na humihingi ng suporta at kooperasyon sa publiko upang isumbong sa kanilang tanggapan ang mga taong sangkot sa ilegal na droga at makamtan ang drug-free na bansa.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin Gargantos