Mahigit isang (1) kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa anti-illegal drug operations ng PNP Bicol katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Pili, Camarines Sur noong Oktubre 16, 2021.
Bandang ala-una ng madaling araw nang isinagawa ang operasyon sa Barangay Palestina laban sa suspek na si Alvin Baldoza, residente ng Bato, Camarines Sur at dating sumuko sa kasagsagan ng Oplan Tokhang.
Nakabili mula sa suspek ng 100 gramo ng shabu sa halagang Php300,000 ang pulis na nagpanggap bilang poseur-buyer.
Habang papalapit ang mga pulis para arestuhin si Baldoza, dali-dali nitong binunot ang kanyang calibre .45 pistol at pinaputukan ang poseur-buyer na masuwerte namang hindi tinamaan.
Pinakiusapan ng mga kapulisan ang suspek na sumuko ngunit nagmatigas ito at muling pinaputukan ang mga operatiba. Napilitang gumanti ng putok ang mga kapulisan na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.
Sa ginawang body frisk, nakuha rin kay Baldoza ang 900 gramo ng droga. Sa kabuuan, umabot sa isang (1) kilong “shabu” ang nakuha mula dito na may Standard Drug Price na Php6.8-milyong piso.
Ayon sa imbestigasyon ng PNP, si Baldoza ay kilalang bodegero at supplier ng droga sa Camarines Sur. Ang supply nito ay nagmumula pa sa New Bilibid Prison (NBP).
Samantala, dalawa (2) pang notorious drug dealer ang nahuli ng PNP Bicol noong Oktubre 15, 2021.
Arestado si Redentor Agna, 38 anyos, residente ng Libmanan, Camarines Sur matapos magpositibo ang Search Warrant na inihain ng Camarines Sur PPO. Narekober mula sa suspek ang walong (8) sachet ng shabu na nagkakahalaga ng Php8,000.
Sa bisa ng Warrant of Arrest, dinakip rin ang kapitan ng barangay at tinaguriang No. 3 Municipal Drug Watchlist na si Chiz Navea. Nakuha mula mismo sa kanyang tirahan ang higit-kumulang 25 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na Php170,000.
Aabot sa Php6,978,000 ang halaga ng nakumpiskang droga ng PNP Bicol at PDEA ROV.
####
Article by Police Corporal Josephine T Blanche