Hindi bababa sa 1.1 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php7,493,000 ang nakumpiska mula sa isang lalaking drug suspek sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Cebu City PNP sa Barangay Busay, Cebu City, nito lamang Sabado, Hunyo 11, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Ernesto Salvador Tagle, Acting City Director ng Cebu City Police Office, ang suspek na si Paul Kevin Sabusap Abella alyas “Insik”, 29, residente ng Sitio Tarkom, Brgy. Busay, Cebu City.
Ayon kay PCol Tagle, nabaril sa braso si Abella ng mga pulis habang isinasagawa ang buy-bust operation matapos umanong paputukan nito ang mga undercover na pulis nang mapagtantong isang pulis pala ang kanyang katransaksyon bandang 2:40 ng hapon sa Sitio Tarkom, Brgy. Busay, Cebu City.
Agad namang binigyan ng paunang lunas ng mga Medical Services ang suspek at kalaunay dinala sa Cebu City Medical Center.
Ayon pa kay PCol Tagle, nakuha mula sa suspek ang anim na transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 1,102 gramo at may tinatayang halaga na Php7,493,000, isang gray sling bag, isang .45 caliber pistol at buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang Cebu City Police Office sa pamumuno ni Police Colonel Tagle ay hindi titigil sa operasyon kontra ilegal na droga upang makamit ang isang mapayapa at ligtas na pamayanan.
###
Panulat ni Patrolman Aivan Guisadio