Caloocan City — Tinatayang Php240,000 halaga ng umano’y marijuana ang nakumpiska sa isang suspek na lulan ng motorsiklo sa isinagawang Oplan Sita ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station nitong madaling araw ng Biyernes, June 10, 2022.
Kinilala ni Northern Police District Director, Police Brigadier General Ulysses Cruz ang suspek na si Chester V. Fortades, 30, residente ng Baesa, Caloocan City.
Ayon kay PBGen Cruz, dakong 12:35 ng madaling araw ng mahuli ang suspek sa kahabaan ng North Diversion Road (NDR), Barangay 151 ng naturang Lungsod ng mga tauhan ng Sub-Station 5 ng Caloocan CPS.
Ayon pa kay PBGen Cruz, sinita ang nasabing motorista dahil wala siyang suot na helmet at dito nya sinubukang tumakas ngunit agad siyang nahabol ng mga pulis.
Nang suriin ang kanyang motorsiklo, tumambad sa mga otoridad ang dalawang piraso ng transparent plastic sealed brick na pinaniniwalaang marijuana na nakabalot pa sa tela sa loob ng isang paper bag at tumitimbang ng humigit-kumulang dalawang kilo.
Agad namang inaresto ang suspek at kinumpiska sa kanya ang kanyang motorsiklo na Yamaha Mio Sporty na kulay itim at asul, isang asul na paper bag, at isang Black and Gray Sando.
Sinampahan si Fortades ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tiniyak naman ni PBGen Cruz paiigtingin pa ng kanyang hanay ang kanilang operasyon hinggil kampanya kontra ilegal na droga.
Source: NPD PIO – Pat Cordova
###