Kalibo, Aklan – Natagpuang patay ang isang branch manager ng isang pawnshop nito lamang Lunes, ika-6 ng Hunyo 2022 na agad naman nirespondehan ng Kalibo PNP sa Mabini St., Poblacion sa bayan ng Kalibo kung saan natagpuan ang naturang bangkay.
Ayon kay Police Major Jasson Belciña, Officer-in-Charge ng Kalibo Municipal Police Station, nakatanggap ng tawag ang tanggapan mula sa isang concerned citizen tungkol sa bangkay ng isang babae na natagpuan sa loob ng RD Pawnshop.
Dagdag pa niya, batay sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng himpilan ay kinilala ni Rodel Arboleda y Espinosa, incoming security guard, ang biktima na si Bonna Ambag y Hercia, 23, tubong Pandan, Antique at pansamantalang naninirahan sa Crossing Buswang, Kalibo, Aklan.
Ayon pa kay PMaj Belciña, sa tulong ng Aklan Crime Forensic Unit 6, lumalabas sa isinagawang masusing imbestigasyon na ang biktima ay nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan gamit ang kutsilyo na may haba na 21 sentimetro na natagpuan sa pinangyarihan ng krimen. Natagpuan din sa crime scene ang isang handbag, pares ng tsinelas, isang posas, coin purse, isang towel na may dugo at duguang uniporme ng sekyu na may nametag na “TORRIEFIEL MR”.
Ayon pa sa imbestigasyon, nakita sa CCTV recording noong 5:30 ng hapon ng Hunyo 5 na huling nakita ang biktima at sekyu na kinilalang si Mark Archie R. Torriefiel, 31, at residente ng Brgy. Cajilo, Makatao, Aklan, sa pawnshop subalit tanging si Torriefiel lang ang nakitang umalis lulan ng isang tricycle at daladala ang kanyang service firearm na .38 revolver dahil hindi ito narekober sa pinagganapan ng krimen.
Ayon pa sa OIC ng KMPS, tumakas ang suspek kasama ang kanyang kinakasama lulan ng barko sa Caticlan noong gabi ng parehong araw ng krimen at natagpuan din ang naturang service firearm malapit sa tinutuluyan ng suspek.
Nagpataw na rin ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan at Mayor-Elect ng Kalibo ng pabuyang Php30,000 sa makakapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng suspek.
Patuloy na tutugisin ng Pambansang Pulisya ang suspek upang iharap sa hukuman ang maysala at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Maaring tumawag sa 09399167066 or mag-iwan ng mensahe sa FB Account: kalibopnp@yahoo.com.ph kung may impormasyon or katanungan.
###
Panulat ni Patrolman Noel S. Lopez